NAGA CITY- Isinailalim sa dalawang linggong lockdown ang opisina ng Government Service Insurance System (GSIS)- Naga.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga, kay Celeste Ferreras, Manager sa nasabing ahensiya sa lungsod ng Naga, nabatid na ito ay matapos na magpositibo sa COVID-19 ang dalawang empleyado nito kung saan agad na ipinag-utos ng lokal na pamahalaan ng Naga ang pagsailalim sa lockdown ang nasabing opisina.
Dagdag pa nito, nagsagawa na rin ng swab testing sa iba pang mga empleyado ng ahensiya.
Hindi rin aniya nila lubusang maisip na may natamaan sa kanila ng nakakamatay na sakit ngayong papatapos na ang taon gayong limitado naman aniya ang kanilang galaw.
Sa kabila nito, tiniyak naman ni Ferreras na tuloy-tuloy pa rin ang kanilang serbisyo dahil mayroon pa rin naman aniyang online processing.
Sa ngayon dahil sa sitwasyon ay hinihimok ng ahensiya ang mga miembro nito na gamitin na ang online process dahil sa banta ng COVID-19.
Samantala, panawagan nito sa publiko ang pag-iingat kaugnay ng nakakamatay na virus.