LEGAZPI CITY- Plano ng grupo ng mga mangingisda na Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) na i-petisyon sa United Nations ang kontrobersiyal na Coast Guard Law ng China na ipinatupad ngayon lang na taon.
Sa ilalim ng naturang batas, pinapayagan ng gobyerno ng China ang kanilang Coast Guard na barilin at pasabogin ang mga sasakyang mapupunta sa mga pinag-aagawan teritoryo gayon rin ang mga istruktura na ipapatayo rito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Fernando Hicap dating Anak Pawis Congressman at Chairperson ng PAMALAKAYA, malaking banta umano sa mga mangingisdang Pilipino an batas ng China lalo pa at sakop pa rin ng Exclusive Economic Zone ng bansa ang mga pinag-aagawang teritoryo kagaya ng Spratly Island, Scarborough shoal at Mischief Reef.
Kung noon umanong wala pa ang Coast Guard Law ay may mga naiuulat ng pangha-harass sa mga Pinoy paano na ngayong meron ng gantong batas.
Sa ngayon nangangalap na ng mga dokumento at testimonya ang grupo para sa petisyon na ipapadala sa UN.