Libu-libong mga manggagawa mula sa iba’t ibang sektor ng organisasyon ang naglunsad ng kilos-protesta ngayong araw ng paggawa upang igiit ang taas sahod, kabilang ang P1,200 daily living wage at P200 na legislated wage hike.
Pinangunahan ng labor group na Kilusang Mayo Uno (KMU) ang mga kilos-protesta sa mga pangunahing lungsod gaya ng Maynila, Baguio, Pampanga, Laguna, Iloilo, Cebu, at Davao.
Batay sa datos ng IBON Foundation, kinakailangan ang P1,200 kada araw upang matugunan ang batayang pangangailangan ng isang pamilyang may limang miyembro sa tahanan.
Ipinanawagan naman ni Danilo Ramos, Chairman ng Kilusang Mambubukid ng Pilipinas (KMP) ang mga inisyatibo tulad ng paghinto sa pagre-redtag para sa mga mangagawa at pagbabasura ng kontraktwalisasyon at gayundin ang pagbuwag sa NTF-ELCAC na ayon kay Ramos, nagsasagawa ng ”terrorist labeling.”
‘Kaisa rin kami, ang magsasaka na buwagin ang NTF-ELCAC na siyang nagsasagawa ng red-tagging at terrorist labeling sa mga manggagawa at mamayanang Pilipino,’ ani Ramos.
Samantala, muling nanawagan ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) para sa P200 na taas sahod sa pamamagitan ng batas—na ayon sa kanila ay unang beses sa loob ng mahigit tatlong dekada.
Giit ng TUCP, hindi sapat ang mga libreng serbisyo bilang kapalit ng matagal nang hinihinging umento ng tong bayan. Ayon kay TUCP spokesperson Carlos Miguel Oñate, ang dagdag na sahod ay magrerepresenta lamang ng 9% hanggang 15% ng kita ng mga kumpanya.
Bilang tugon, inanunsyo ng Department of Labor and Employment (DOLE) na magsasagawa ito ng pagsusuri sa umiiral na minimum wage sa ilang rehiyon ngayong buwan, alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.