-- Advertisements --

Muling hinarang at inaresto ng Israeli military ang grupo ng kilalang environmental activist na si Greta Thunberg na lulan ng flotilla na maghahatid sana ng humanitarian aid sa Gaza.

Ayon sa Israeli Foreign Ministry, ilang mga barko na parte ng Global Sumud Flotilla (GSF) ang ligtas na pinatigil at ang mga sakay ng mga ito ay dinala sa pantalan ng Israel.

Nauna na aniyang sinabihan ng Israeli Navy ang mga barko na mag-iba ng direksiyon habang papalapit ang mga ito sa active combat zone.

Nauna na ring iniulat ng Israeli military na nasa 30 bangka ang nananatiling naglalayag patungo sa Gaza at nasa 46 nautical miles ang layo mula sa kanilang destinasyon.

Tinawag naman ng grupo ni Thunberg ang pagharang sa kanila bilang iligal at hindi bilang isang depensa kundi hayagang gawain ng desperasyon.

Giit pa ng grupo na ang isa sa kanilang bangka ay sinadyang banggain at binombahan ng water cannons ang iba pang mga bangka.

Sinabi din ng grupo na inatake ang kanilang mapayapang civilian mission dahil ang tagumpay ng pagdadala ng humanitarian aid ay mangangahulugan ng pagkabigo ng pagsakop ng Israel.

Samantala, ayon sa Foreign Ministry ng Israel, ipapadeport patungong Europe sina Thunberg sa oras na madala na sila sa Israel.

Matatandaan, noong Hunyo ng kasalukuyang taon, ipinadeport din si Thunberg isang araw matapos na maharang siya at ang 11 iba pa ng Israeli forces sa pagtatangkang maihatid ang mga tulong sa Gaza.