Reading Time: 1 minute

VIGAN CITY – Nakahandang magbigay ng relief support sa mga biktima ng lindol sa Itbayat, Batanes ang League of Provinces of the Philippines (LPP) sa pangunguna ni Gov. Ryan Singson na siyang adviser ng grupo.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Singson na ang mga ipadadalang relief support sa Itbayat ay kinabibilangan ng mga de-lata, tubig, noodles at iba pang maaaring kainin ng mga nabiktima ng lindol noong Hulyo 27.

Aniya, miyembro ng LPP si Governor Marilou Cayco ng Batanes kaya nakahandang tumulong ang grupo sa kanya.

Ipinaliwanag nito na kailangan umano nila ng ibang aircraft upang maipadala sa Itbayat ang mga relief support dahil hindi umano ito kasya sa eroplanong pag-aari ni Palawan Governor Jose Alvarez.

Sa ngayon, patuloy pa rin daw ang koordinasyon ng gobernador kay Cayco para malaman kung mayroon pang ibang kailangan ang mga residente sa Itbayat na maaaring ibigay ng grupo at ng provincial government ng Ilocos Sur.