-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Hindi ikinabahala ni Gov. Rodito Albano ang pagkakabilang ng Isabela bilang COVID-19 hotspots.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gov. Albano, sinabi niya na kung tutuusin ay mas marami at mas malaki ang naitatalang kaso ng COVID-19 sa Metro Manila at mga kalapit probinsiya.

Ito marahil ay dahil sa hindi pa rin natutukoy kung anong variants ng COVID-19 ang patuloy na lumalaganap sa bansa.

Aniya, tila nagsama-sama na ang UK, Brazilian at Filipino variants.

Gayunman, ang magandang balita pa rin na sa kabila ng pagdami ng kaso ay dumarami na rin ang may kagustuhang magpabakuna.

Iginiit pa ng punong lalawigan na wala siyang planong magpatupad ng Enchanced Community Quarantine sa lsabela at kung sakali man ay pag-aaralan muna ito dahil hindi lingid sa kanya na mas mahihirapan ang taumbayan.

Sa ngayon bilang hakbang ay nakaalerto ang lahat ng ahensiya ng pamahalaan sa pagpapatupad ng health protocols gayunman.

Mas kailangan daw ng dasal at magkaroon ng mahabang pasensiya dahil sa hindi inaasahang pagdami ng naitatalang kaso ng COVID-19

Tiniyak naman ni governor Albano na sinisikap ng pamahalaan na magbigay ng ayuda para sa mga apektadong residente.

Nakarating na rin sa kaalaman ni Albano ang sitwasyon ng mga pagamutan sa lalawigan na nagkakapunuan na ang mga bed capacity at nagkakaroon na rin ng kakulangan ng health workers.

Aniya , may ilang direktor na rin ng mga pagamutan ang nakipag-ugnayan na sa kanya upang humingi ng tulong dahil sa sitwasyon.

Sa ngayon ay pinag-aaralan pa ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela ang posibleng pagpapalawig ng GCQ bubble set up.

Gayunman ay inamin nito na nakakalito para sa taumbayan ang ibat-ibang restrictions na ipinapatupad partikular ang bubble set up.

Ang mahalaga anya sa ngayon ay sundin ang mga health protocols, maghugas ng kamay, sumunod sa social distancing at sundiin ang mga ipinagbabawal sa ilalim ng bubble set up pangunahin na ang pagbabawal ng dine-in services sa mga bahay kainan.

Samantala, naitala nitong araw ng Linggo sa Isabela ang 173 na bagong kaso ng COVID-19 habang 57 ang naidagdag sa mga gumaling..

Mas mataas ito sa naitalang positibo nitong nakalipas na Sabado na 96.

Sa ngayon ay umabot na sa 8,043 ang tinamaan ng COVID-19 sa lalawigan ng Isabela, 6,608 ang gumaling, 1,327 ang aktibong kaso at 158 ang nasawi.