-- Advertisements --

Hinimok ni House Ways and Means Chairman at Albay 2nd District Representative Joey Salceda ang gobyerno na mamuhunan sa “creatives ecosystem” katulad ng ginawa ng bansang Korea.

Ayon kay Salceda, ito ang mainam na hakbang sa halip na ipagbawal ang Korean drama sa bansa sa layuning maitutok ang atensiyon ng mamamayan sa ating sariling mga pelikula at telenovela.

Sinabi ng mambabatas, matapos ang Asian Financial Crisis noong 1997, ay nagpasya ang Korea na palakasin ang cultural exports nito para lumaki ang kinikitang dolyar at maibangon ang ekonomiya at sila ay nagtagumpay.

Binigyang-diin ni Salceda, makabubuting tularan natin ang naturang economic strategies ng Korea pero dapat maging orihinal ang magiging content ng ating pelikula at mga teleserye para tangkilikin ng publiko at maipalabas din sa ibang bansa.

Magugunitang noon pang March 2020, ay isinulong na ni Salceda ang National Economic Recovery Strategy sa ilalim ng inihian niyang House Bill No. 6619.

Nakapaloob sa panukala ni Salceda ang pamumuhunan sa creative industry na tiyak magpapasigla sa ating ekonomiya at pagbangon mula sa pandemya.

Tinukoy ni Salceda na kinkatawan ng creative industry ang 3% ng global GDP, na maaring mapataas sa 10% sa susunod na sampung taon.