Nagtala ng patuloy na pyroclastic density current (PDC) o tinatawag na ”uson” ang Bulkang Mayon noong Linggo ng hapon, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Ang PDC ay nakapagpakawala ng kulay-abo na usok na tinangay naman pahilagang-silangan (east-northeast).
“The PDC travelled approximately 2000 meters along Mi-isi Gully and generated grayish plumes that rose up to 1800 meters above mean sea level before drifting east-northeast,” nakasaad sa advisory ng ahensya.
Patuloy na nakataas ang Alert Level 3 sa Bulkang Mayon, at mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa anim na kilometrong Permanent Danger Zone dahil sa banta ng pagputok at mapanganib na daloy ng materyales mula sa bulkan.
Ipinaliwanag ng PHIVOLCS na ang pyroclastic materials ay binubuo ng mga pira-pirasong volcanic particles.
Kapag humalo ang mga ito sa mainit na gas at abo, nabubuo ang pyroclastic density currents na mabilis na dumadaloy pababa ng bulkan at nagdudulot ng panganib sa mga nakapaligid na komunidad.















