Kinumpirma ni Department of Trade and Industry Secretary Alfredo Pascual na abala at pina-igting ngayon ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagsisikap na i-follow-up ang multi bilyong pisong investment pledges na nakuha sa mga kamakailang paglalakbay sa ibang bansa.
Ayon kay Trade Secretary Pascual, matapos makuha ni Pangulong Marcos ang mga pledges sa investment, sisiguraduhin nilang i-follow-up ang mga ito.
Sinabi ni Pascual na ang marching order ng Pangulo ay pag ibayuhin ang pagpa-follow up para masigurado ang investment ay maisasagawa nung mga nangako na magpapadala dito o yung mga maglalagay ng investment sa ating bansa.
Batay sa ulat ng DTI at Office of the Presidential Assistant on Investment and Economic Affairs, nakakuha ang administrasyong Marcos ng USD 4.349 bilyon o katumbas ng Php239 bilyon na halaga ng mga proyekto sa pamumuhunan ay nasa implementation stage na ngayon.
Sa mga proyektong pamumuhunan na ito, may kabuuang USD29.712 bilyon o Php1.7 trilyon ang nasa ilalim na ngayon ng Memoranda of Understanding (MOU) at Letters of Intent (LOI).
Sa kabilang banda, may kabuuang USD28.863 bilyon o Php1.5 trilyon na halaga ng mga proyekto sa pamumuhunan ang nasa yugto ng pagpaplano.
Ang administrasyong Marcos ay nakakuha ng kabuuang Php3.48 trilyon o humigit-kumulang USD62.926 bilyon mula sa paglalakbay ng Pangulo sa China, Japan, Indonesia, Thailand, Singapore, United States at Belgium.
Bukod sa pagsubaybay sa mga pangakong ito sa pamumuhunan, sinabi ng DTI chief na titiyakin din ng pambansang pamahalaan na ang mga internasyonal na mamumuhunan ay makakaranas ng kadalian sa pagnenegosyo sa bansa.
Noong Pebrero 9, 2023, inaprubahan ng DTI-Board of Investments ang humigit-kumulang Php414.3 bilyon total of investment projects.