CEBU CITY – Kinumpirma ni Lapu-Lapu City Mayor Junard “Ahong” Chan na ginagawa pa ang isang malaking krus sa ilalim ng dagat sa Barangay Tingo, sa isla ng Olango.
Ayon kay Chan, plano nilang magkaroon ng world record mula sa Guinness upang tanghaling “largest underwater cross” sa buong mundo.
Target higitan ng krus sa Olango Island ang isang record holder kung saan nasa 100 meters ang haba ng ginagawang krus.
Gawa ang underwater cross mula sa corals sa hangaring maging tirahan ng libu-libong isda at iba pang mga sea creatures sa ilalim ng dagat.
Dagdag pa ni Chan na magsisilbing inspirasyon ang naturang underwater cross dahil nakayanan naman ng mga Cebuano ang matinding hamong dala ng coronavirus pandemic.
Hiling ngayon ng alkalde na makakatulong ang nasabing krus upang dayuhin ang Olango Island ng mga turista mula sa ibang bansa.