-- Advertisements --

Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang plano ng Pilipinas na palawakin ang diplomatikong presensya nito sa pamamagitan ng pagbubukas ng mga bagong embahada at konsulado sa iba’t ibang panig ng mundo.

Sa kanyang talumpati sa Vin d’Honneur sa Malacañang, ibinahagi ng Pangulo na magbubukas ang bansa ng mga bagong embahada sa Kazakhstan at Ghana ngayong taon.

Kasabay nito, kasalukuyan ding kinukumpuni ang pagtatayo ng bagong Consulate General sa Miami, Florida upang pagsilbihan ang mga Pilipino sa Southeast ng Estados Unidos at sa Caribbean.

Ayon sa Punong Ehekutibo, layunin ng mga bagong misyong ito na maghatid ng mabilis at accessible na serbisyong pangkonsulado para sa proteksyon ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs).

Inaasahan din itong magiging daan para sa mas malakas na kooperasyong pang-ekonomiya, palitang-kultural, at ugnayang politikal sa mga host country.