-- Advertisements --

Umakyat na sa 61 katao ang naitalang nasawi sa Magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Mindanao noong Hunyo 8, ayon sa Office of Civil Defense (OCD).

Patuloy pa ring bineberipika ang pagkakakilanlan ng mga biktima.

Batay sa ulat, nasa 33 katao pa ang nawawala habang 1,221 ang nasugatan, kabilang ang maraming estudyanteng nakaranas ng trauma at nagpagamot sa mga ospital.

Ayon sa OCD, karamihan sa mga nasawi ay biktima ng landslide at pagbagsak ng mga gusali at debris, partikular sa General Santos City, Jose Abad Santos (Davao Occidental), at Sarangani Island.

Patuloy ang search and rescue operations sa mga lugar na mahirap pa ring marating dahil sa landslide.

Kasabay nito, nagpapatuloy ang paghahatid ng pagkain, malinis na tubig, tents, at iba pang relief supplies gamit ang eroplano, barko, at helicopter ng pamahalaan.

Samantala, nananatiling sarado sa commercial flights ang General Santos City Airport, ngunit bukas ito para sa humanitarian missions.

Halos 4,000 aftershocks na rin ang naitala ng PHIVOLCS mula nang tumama ang malakas na lindol.