Inihayag ng 11-member House prosecution panel na tanging ang mga kautusan sa ilalim ng pamumuno ni Acting Senate President Sherwin Gatchalian ang kanilang kikilalanin sa gaganaping impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Lead Prosecutor at Batangas Rep. Gerville Luistro, bilang bahagi ng institusyon ng Kamara, susundin nila kung sinong liderato ang kinikilala ng kanilang kapulungan sa gitna ng nagpapatuloy na agawan sa puwesto sa Senado.
Nagbabala din si Luistro na ang pagkakaroon ng dalawang paksyon ay maaaring magdulot ng kalituhan dahil hindi naman itinatakda ng Konstitusyon ang dalawahang pamunuan.
Sa kabila nito, umaasa ang prosekusyon na masusunod pa rin ang naunang iskedyul kung saan target isumite ang pre-trial brief sa Hunyo 15, simulan ang pre-trial conference sa Hunyo 18, at tuluyang buksan ang paglilitis sa Hulyo 6.
Binigyang-diin naman nina House Prosecutor Rep. Chel Diokno at Spokesperson Rep. Renee Co na handa na ang panel at dapat nang simulan ang paglilitis upang hindi mabigo ang taumbayan na nag-aabang sa pananagutan ng Bise Presidente.










