Naniniwala si Rear Admiral Jay Tarriela, tagapagsalita ng Philippine Coast Guard (PCG) para sa West Philippine Sea, na ang kampanya sa transparency ang susi sa paglalantad sa iligal na aktibidad ng China sa may bahagi ng Bajo de Masinloc.
Sinabi ni Tarriela na napakahalaga ng kampanya ng pamahalaan sa hayagang paglalantad upang mapigilan ang mga ilegal na aktibidad ng China sa Bajo de Masinloc.
Sinabi ni Tarriela na ang paglalantad sa publiko ay mahalagang hakbang matapos kumpirmahin ng mga awtoridad ang presensya ng isang nakalutang na istruktura (floating structure) ng China sa nasabing lugar. Nangangamba ang Pilipinas na sinusubukan ng Beijing kung maaari silang magtayo ng permanenteng artificial island doon, na malapit sa Luzon.
Ayon kay Tarriela, ang paglalantad sa mga ganitong kilos ay naglalayong sirain ang reputasyon ng China sa mata ng mundo upang mag-dalawang isip ito sa kanilang mga plano.
Mahalaga aniya ang tiyempo ng paglalantad dahil ang Pilipinas ang tumatayong host country ng ASEAN ngayon, kung saan pinag-uusapan ang Code of Conduct para sa South China Sea. Layunin din nitong pilitin ang China na bumalik sa maayos na negosasyon.
Samantala, iminungkahi naman ni dating Philippine Navy Rear Admiral Rommel Ong na magpakita ng presensya ang Pilipinas sa nasabing ruta na dinaraanan ng mga barko ng China sa pagitan ng Hainan at Bajo de Masinloc upang harangan ang kanilang suplay at magtakda ng malinaw na limitasyon laban sa agresyon ng China.










