-- Advertisements --

Hindi pa panahon para gamitin ng Pilipinas ang Mutual Defense Treaty (MDT) sa Estados Unidos ukol sa mga itinayong gumagalaw na istruktura ng China sa Bajo de Masinloc, ayon kay Atty. Jay Batongbacal, eksperto sa maritime law.

Ipinaliwanag ni Batongbacal na dahil usapin ng soberanya at teritoryo ang isyu, hindi ito basta-basta madadala sa mga pandaigdigang korte.

Gayunpaman, binalaan niya ang pamahalaan na seryosong banta sa seguridad ng bansa ang ginagawa ng China.

Kung magtatagumpay ang China na gawing permanenteng military base ang lugar, magiging 120 nautical miles na lamang ito kalayo mula sa Luzon.

Ayon pa kay Batongbacal, bago gamitin ang MDT o puwersa militar, dapat munang pag-aralan ng gobyerno kung ituturing na ba itong “act of aggression” o hayagang pag-atake ng China.

Sa ngayon, maaari pa umanong mabawi ang sitwasyon at matanggal ang mga nakalutang na istruktura sa pamamagitan ng diplomasya.

Tiniyak din ni Batongbacal na bukod sa Amerika, marami pang ibang bansa ang kaalyado ng Pilipinas sa seguridad, tulad ng Japan at Australia.

Binigyang-diin niya na kailangang maging maingat ngunit matapang ang tugon ng bansa gamit ang batas, diplomasya, at pakikipagtulungan sa mga kaalyadong bansa bago humantong sa digmaan.