-- Advertisements --

Ibinulgar ng PBA veteran na si Ranidel De Ocampo ang kanyang plano na magretiro na sa liga matapos ang 16-taong karera.

Ayon kay De Ocampo, napaso na raw ang kanyang kontrata sa Meralco Bolts noong nakaraang season, maliban pa sa natamo nitong mga injuries nitong nakalipas na mga taon.

“Although di ko pa naa-announce, dun na ako papunta e,” wika ni De Ocampo.

Sa huling dalawang season, 30 beses lamang nakapaglaro ang 38-year-old free agent dahil sa iniinda nitong problema sa kanyang calf muscle, Achilles, at sa likod.

Si Ocampo, na napiling fourth overall pick ng FedEx noong PBA Draft, ay nagbulsa ng anim na kampeonato sa Talk ‘N Text mula 2008-2017 bago lumipat sa Meralco.

Nakilala naman nang husto si De Ocampo nang mapasali ito sa Gilas Pilipinas na nagtapos sa second place kontra Iran sa 2013 Fiba Asia Cup sa Maynila, na dahilan para magbalik ang Pilipinas sa Fiba World Cup.

Pumoste si De Ocampo ng career PBA average na 12.0 points, 6.0 rebounds at 2.0 assists sa 646 laro.