-- Advertisements --

Nakakaranas ng matinding pambobomba sa pamamagitan ng air-attack ang Gaza City sa gitna ng paghahanda ng Israeli forces para sakupin ang naturang teritoryo ayon sa civil defense agency na pinapatakbo ng Hamas.

Ayon kay Mahmud Bassal, tagapagsalita ng Gaza Civil Defense, tatlong araw ng tinatamaan ng mga bomba at drone strikes ang residential areas ng Zeitoun at Sabra na nagresulta ng malawakang pinsala sa mga kabahayan kung saan may ilang mga labi at nasugatan na hindi marekober ng mga residente doon.

Base sa kwento ng ilang residente sa Gaza City, tila muling nagsisimula umano ang giyera kung saan pinapaputukan ng mga military tanks ng bala ang mga kabahayan at ilan ang tinamaan habang nagsasagawa naman ng firing rings ang mga eroplano kung saan ilang missiles ang bumagsak sa ilang mga kalsada sa eastern Gaza.

Ayon sa Health Ministry sa Gaza, nasa 100 na ang nasawi na dinala sa mga ospital sa buong Gaza sa nakalipas na 24 oras kabilang ang 31 katao na napatay sa aid sites. May limang indibidwal pa ang nasawi dahil sa malnutrisyon.

Samantala, naglabas naman ng pahayag ang United Kingdom, Australia, Canada at Japan na naghihimok na gumawa ng aksiyon para matugunan ang kagutuman sa Gaza, bagay na itinatanggi naman ng panig ng Israel.

Idinemand din ng mga ito ang agaran, permanente at konkretong mga hakbang para mapadali ang pagpasok ng mga humanitarian aid sa Gaza.

Inakusahan pa ng mga ito ang UN agencies na hindi umano kinukuha at dinadala ang mga tulong na nasa borders.

Nanawagan din ang nasabing mga bansa na waksan na ang paggamit ng lethal force malapit sa aid distribution sites at sa lorry convoys kung nasaan ang mahigit 1,300 Palestinians na karamihan ay napatay ng Israeli military.

Matatandaan noong Lunes, nagkasundo ang Israeli war cabinet na okupahin ang Gaza City, isang hakbang na kinondena naman ng UN Security Council.