Pinatitiyak ni Senate Committee on Energy Vice Chairman Senador Sherwin Gatchalian sa Department of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC) ang walang patid na suplay ng kuryente sa buong bansa sa Mayo 12, araw ng halalan.
Ayon kay Gatchalian, ang anumang pagkaantala ng kuryente ay maaaring makompromiso ang integridad ng May 2025 National and Local Elections.
Iginiit ng senador na dapat makipagtulungan ang DOE at ERC sa National Grid Corporation of the Philippines, mga distribution utility, power generation companies, at mga electric cooperative upang matiyak na may sapat na suplay ng kuryente sa buong bansa sa araw ng botohan.
Hindi dapat aniya magkaroon ng biglaang maintenance ang mga planta nang wala sa schedule, at kailangang nakaantabay ang ancillary services upang agad masagot ang anumang biglaang pagtaas ng demand sa kuryente.
Sa huli, sinabi ng senador na kailangan ang pakikiisa ng bawat sektor upang tiyakin ang tuloy-tuloy na suplay ng kuryente sa mga presinto sa araw ng halalan bilang garantiya ng transparency, seguridad, at proteksyon sa ating demokratikong proseso.