-- Advertisements --

Nanawagan si Senator Sherwin Gatchalian ng mas agresibong hakbang ng pamahalaan upang tugunan ang lumalalang krisis sa enerhiya na dulot ng pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Partikular na hinimok ng senador ang ehekutibo na makipag-usap sa Iran upang matiyak ang ligtas na pagdaan ng mga oil vessel ng Pilipinas sa Strait of Hormuz, isang kritikal na ruta ng suplay ng langis.

Ayon kay Gatchalian, mahalaga ang agarang high-level diplomatic action upang maiwasan ang pagkaantala ng suplay na lalo lamang magpapabigat sa mga konsyumer.

Kasabay nito, sinabi rin ng senador na nagbibigay ng pag-asa ang Camago-3 gas field sa gitna ng tumataas na energy costs, bagama’t aabutin pa aniya ng panahon bago ito maramdaman sa presyo ng kuryente.

Binigyang-diin ni Gatchalian ang kahalagahan ng patuloy na eksplorasyon at pamumuhunan sa lokal na enerhiya upang matiyak ang sapat na suplay at mas abot-kayang presyo sa hinaharap.

Samantala, kasunod ng nakaambang pagtaas ng presyo ng LPG, hinimok din ni Gatchalian ang Department of Energy at Department of Trade and Industry na pag-aralan ang pagpapatupad ng price cap.

Ayon sa senador, maaaring ipatupad ang price ceiling sa ilalim ng Republic Act No. 10623 na nag-amyenda sa Republic Act No. 7581 upang maprotektahan ang mga konsyumer laban sa hindi makatuwirang pagtaas ng presyo.

Giit pa ni Gatchalian, mahalagang pangangailangan ang LPG sa mga kabahayan at maliliit na negosyo kaya’t anumang biglaang pagtaas nito ay direktang makakaapekto sa kabuhayan at presyo ng pagkain.

Sa huli, iginiit ng senador na kinakailangan ang sabayang hakbang, mula diplomasya, lokal na produksyon, hanggang regulasyon ng presyo, upang matiyak ang sapat na suplay at mapagaan ang epekto ng krisis sa enerhiya sa mga Pilipino