-- Advertisements --

Pasok na sa Eastern Conference semifinals ang Indiana Pacers matapos itumba ang Milwaukee Bucks sa Game 5, 119 – 118.

Umabot pa sa overtime ang bakbakan sa pagitan ng dalawang koponan matapos maitabla ang score sa 103 sa pagtatapos ng huling quarter.

Pagpasok ng OT, agad umarangkada ang opensa ng Bucks at nagawa ng koponan na iposte ang 6-point lead, 112 – 106 isang minuto at apatnapu’t-anim na segundo (1:46) bago matapos ang 5-min overtime.

Ang siyam na puntos na naipasok ng Bucks ay pawang nagmula kay Garry Trent Jr. na gumawa ng tatlong sunod-sunod na 3-pointers para sa Milwaukee.

Agad namang gumanti ang Pacers at ipinoste ang 5-0 run upang dalhin ang score sa 112 – 111, isang minuto bago tuluyang matapos ang laban.

Bilang kasagutan, magkasunod na nagpasok sina Trent Jr. at Giannis Antetekounmpo ng isang tres at isang layup at muling ibinalik ang 6-point lead. Sinundan pa ito ng isang free throw ni AJ Green at ipinoste ang 7 points na kalamangan, 40 seconds bago tuluyang matapos ang OT.

Gayunpaman, muling humabol ang Pacers at sa loob ng 23 seconds ay nagawa nilang magpasok ng anim na puntos, 118 – 117, labing-pitong segundo bago ang OT expiration.

Dito na nagpatawag ng time-out ang Milwaukee upang makapag-regroup ngunit dahil sa turnover na nagawa ni Trent ay naagaw ng Pacers ang bola. Agad ipinasok ni Indiana guard Tyrese Haliburton ang isang layup at dinala ang score sa 119 – 118, isang segundo bago matapos ang OT.

Pinilit pa ni Trent na magpasok ng isang 3-pointer sa nalalabing segundo ngunit hindi na rin ito pumasok sa ring.

Panibagong bigtime performance ang ipinoste ni Giannis sa pagkatalo ng Bucks at gumawa ng 30 points, 20 rebounds, at 13 assists habang 33 points naman ang kontribusyon ni Trent Jr.

Para sa semis-bound Pacers, muli itong pinangunahan ng all-around guard na si Haliburton na gumawa ng 26 points, siyam na assists, at anim na rebounds habang 19 points at 12 rebounds naman ang ambag ng forward na si Aaron Nesmith.

Sa OT win ng Pacers, anim na player nito ang kumamada ng double-digit scores.

Maghaharap ang Pacers at Cleveland sa semis habang hinihintay pa ang magiging resulta ng laban sa pagitan ng New York Knicks at Detroint Pistons, at Boston Celtics at Orlando Magic sa kabilang bracket.