-- Advertisements --

Gumawa ng career high na 54 points si Philadelphia 76ers guard Tyrese Maxey matapos buhatin ang kaniyang koponan laban sa Milwaukee Bucks, 123 – 114.

Naipasok ni Maxey ang 18 field goals sa kabuuan ng laban, kasama ang 9 assists, tatlong steals at tatlong blocks.

Inabot ng overtime ang laban ng dalawang team, matapos makipagsabayan ang Bucks sa opensa at natapos ang 4th quarter sa score na all-106.

Sa pagpasok ng OT, hindi na nakaya ng Bucks ang mainit na opensa ng Sixers sa pangunguna ni Maxey. Sa loob ng maikling panahon (5 mins), nagawa ng Sixers na magpasok ng 17 points habang tanging walong puntos lamang ang naisagot ng 2021 NBA champion.

Nasayang ang double-double performance ng sophomore NBA player na si Ryan Rollins sa tuluyang pagkatalo ng Bucks.

Ibinabad si Rollins sa loob ng 40 minutes, at nagawa niyang magpasok ng 13 field goals na katumbas ng 32 points habang ipinoste rin nito ang 14 assists.

Sa naturang laban, kapwa hindi nakapaglaro ang star player ng dalawang koponan na sina Joel Embiid at Giannis Antetokounmpo.

Sa kabila nito ay parehong nagpakita ng impresibong opensa ang dalawa kung saan napanatili ng Bucks ang 49% shooting habang umabot sa 43% ang Sixers.

Naging malaking bentahe lamang ng Philadelphia ang 21 free throws na naipasok sa kabuuan ng laban habang umabot lamang sa sampung libre ang Bucks.