GENERAL SANTOS CITY – Sumugod sa San Isidro Police Station sa lungsod ang ilang mga coordinator umano ng Police Paluwagan Movement (PPM).

Ito’y matapos mapag-alamang pinakawalan ang umano’y mga kaanak ng financial coordinator ng nasabing kontrobersyal na P2 billion investment scam.

Una rito, batay sa impormasyon napasugod kagabi ang nasabing mga coordinator sa isang bahay sa Caceres Subdivision sa Brgy San Isidro sa lungsod.

Nakatanggap umano sila ng impormasyon na doon nakatira ang pinaghahanap na si Eugene Naungayan, na kamag-anak ni Shiela Agustin, na siyang itinuturong utak ng investment scam na nambiktima ng maraming mga pulis at sibilyan sa Region 12.

Biglang may lumabas na sasakyan mula sa compound kaya’t hinarang ito ng mga sumugod na coordinator.

-- Advertisement --

Sakay daw dito ang pitong katao, kasama ang ina ni Naungayan.

Dinala ang mga ito presinto, subalit pinakawalan din ng mga pulis dahil sa kawalan umano ng warrant of arrest kaya’t hindi pwedeng i-hold.

Kasalukuyan namang iniimbestigahan pa ang nasabing insidente.

Matatandaang isang buwan nang pinaghahanap si Naungayan at pamilya nito ng mga coordinator na nabiktima matapos na ginugulo na rin sila ng kani-kanilang mga na-recruit at nag-invest sa kanila para sa PPM.

Sa katunayan, ilan sa kanila ay pinagbabantaan pa raw ng mga investors at pinapabawi ang kanilang na-invest na pera na nakulimbat umano ni Naungayan.