NAGA CITY- Hindi naman aniya inoobliga ang mga mag mag-aaral gayundin ang mga magulang na magkaroon ng sariling laptop at internet kaugnay ng online classes bunsod ng COVID-19 pandemic.

Sa isinagawang virtual press briefing ng DepEd Bicol sinaysay ni Gilbert Sadsad, Regional Director ng DepED Bicol, na ang mga aktibidad na gagawin sa pamamagitan ng mga messaging platforms, para lamang sa mga mayroong gadget at internet.

Ayon dito, mga learning modalities lamang aniya ito na pwedeng gawin at gamitin.

Samantala, hindi pa rin naman nila papayagan ang face to face learning system para hindi na kumalat pa ang naturang virus kahit pa may mga lugar sa probinsiya na kaunti lamang o walang kaso ng sakit.

Ito ay bilang pagtalima sa ibinabang kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa kabila nito, umaasa naman sila sa posibilidad ng pagkakaroon ng naturang face to face learning system sakaling maging maayos na ang sitwasyon.