BUTUAN CITY – Patuloy na tumataas ang halagang nalilikom sa fundraising campaign na isinagawa ng isang Australian citizen para sa tinaguriang Bondi hero sa Sydney na si Ahmed Al-Ahmed, na sumikat dahil sa kanyang tapang sa pagkuyog at pag-agaw ng baril na ginamit ng gunman na si Sajid Akram, na kumitil sa buhay ng 15 katao.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, ibinahagi ni Bombo International Correspondent sa Sydney, Australia Denmark Suede na ang instant hero, na isang Muslim at anak ng isang Syrian refugee, na nagpakita sa kanyang kabayanihan ay patunay lamang ng kanyang pagmamahal sa kanyang adoptive country.
Dahil sa kanyang ginawa, ay nabasag ni Ahmed ang stereotype na paniniwala ng maraming tao na nag-uugnay sa mga Muslim sa terorismo.
Mula sa unang target na 300,000 Australian dollars na hinihingi ng organizer upang ibigay kay Al-Ahmed bilang tulong dahil hindi na siya makapagtrabaho matapos matamaan ng baril ang kanyang kamay, umabot na ngayon sa halos 3 milyong Australian dollars ang pondo at inaasahang tataas pa.
Kung hindi umano ito nagawa ni Ahmed, magiging malaking isyu muli ito para sa Muslim community, dahilan kung bakit marami sa kanilang komunidad ang nagbigay ng tulong para sa kanya.
Sa huli ay nanawagan din si Suede sa gobyerno ng Pilipinas na maglabas ng pahayag kaugnay sa sinasabing pag-train ng mag-amang Akram dito sa bansa, dahil ayon sa kanya, may malaking epekto ito sa imahe ng bansa, lalo na’t may dati siyang kasamahan sa trabaho na Australiano na nagdududa na ang Metro Manila ay “hotbed” umano ng mga teroristang Islamic State of Iraq and Syria o ISIS.
















