Kasunod ng abiso ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ukol sa posibleng muling paglakas ng habagat ngayong linggo, nanawagan si Senate Committee on Health Vice Chairman Senator Christopher “Bong” Go sa publiko na unahin ang kalusugan at mag-ingat, partikular sa paglusong sa baha upang makaiwas sa mga sakit tulad ng leptospirosis.
Kasabay ng kanyang paalala, pinasalamatan ng senador ang dedikasyon ng mga Pilipinong patuloy na nagtatrabaho sa gitna ng masungit na panahon.
Nagpaabot ng pagpupugay si Go sa mga doktor, nars, health workers, at medical staff na patuloy na nagbibigay ng serbisyo sa mga pagamutan kahit ang ilan sa kanila ay biktima rin ng pagbaha sa sarili nilang mga tahanan.
Kinilala rin ng senador ang sakripisyo ng mga rescuer, emergency responders, at iba pang frontliners na sumusuong sa panganib tuwing may kalamidad upang matiyak ang kaligtasan ng mga apektadong komunidad.
Samantala, ibinahagi rin ni Go ang kanyang naging personal na karanasan kamakailan na nagpakita ng propesyonalismo ng mga manggagawang Pilipino.
Ikinuwento ng senador na na-divert patungong Cebu ang sinasakyan niyang commercial flight papuntang Davao City dahil sa naranasang matinding turbulence at zero visibility dulot ng sama ng panahon.
Pinuri ni Go ang mabilis na desisyon, kasanayan, at malasakit ng piloto at flight crew na nag-una sa kaligtasan ng lahat ng pasahero.
Ligtas ding nakalapag sa Davao ang naturang eroplano makalipas ang limang oras, kung saan mainit na pasasalamat ang ipinaabot ng mga pasahero sa mga tripulante bago bumaba ng sasakyang panghimpapawid.
















