Mas marami umanong nagawa ang administrasyon ni U.S. President Donald Trump kaysa noong si dating U.S. President Barack Obama pa ang namumuno sa Estados Unidos.
Ito ang naging paunang banat ni former Ambassador to the United Nations Nikki Haley sa unang araw ng 2020 Republican National Convention.
Sinabi ni Haley na walang takot na nanindigan si Trump bilang presidente ng America at siya rin lang daw ang natatanging pinuno na nagpakita ng katatagan at tagumpay sa administrasyon.
“Donald Trump has always put America first. And he has earned four more years as president,” ani Haley.
Wala na raw kasing ibang ginawa ang Democratic Party at pambato nito na si Joe Biden na palaging sisihin ang kampanyang “America first.” Kumpara umano kina Biden at Obama ay palaging inuuna ni Trump ang makabubuti para sa bansa at mamamayan nito.
Tinuligsa rin ni Haley ang “cancel culture” ng Democrats na naging dahilan umano para mas lalong magkagulo ang Democrats at Republican tungkol sa social justice protests na sumiklab noong mga nagdaang buwan dahil sa pagkamatay ng Black-American na si George Floyd sa Minneapolis.
“In much of the Democratic Party, it’s now fashionable to say that America is racist,” dagdag pa nito. “That is a lie. America is not a racist country.”
Una nang nakitaan ng potensyal si Haley upang tumakbo sa pagkapangulo ng Amerika. Ginugol nito ang kaniyang apat na taon sa pwesto sa pagbalanse sa suportang ipinapakita nito kay Trump at pag-iwas sa mga kontrobersyal na patakarang ipinatutupad ng presidente.