-- Advertisements --

Balik na sa normal ang operasyon ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kaninang hapon.

Ito’y matapos itong muling suspendihin sa loob ng ilang minuto partikular ang mga flight dahil sa red lightning alert na inilabas ng PAGASA (Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration).

Ayon sa Department of Transportation (DOTr), dalawang red lightning alerts ang inilabas para sa NAIA- una ay sa pagitan ng alas-2:24 ng hapon hanggang alas-3:11 ng hapon, na sinundadn ganap na 3:34 P.M hanggang 4:03 P.M.

Nabatid na naglalabas ang PAGASA ng red lightning alert kapag ang thunderstorm na may kasamang kidlat ay sakop ang nine kilometers ng paliparan kung saan kailangang pansamantalang itigil ang operasyon.

“The Red Lighting Alert is a safety measure taken to prevent any untoward incident from happening when lightnings are prevalent in the immediate area and may endanger personnel, passenger, and even flight operations,” saad ng DOTr.

Paliwanag pa ng DOTr, sinimulang ipatupad ang red lightning alert scheme sa NAIA kasunod ng insidente noong 2014 kung saan nasawi ang isang empleyado nito matapos tamaan ng kidlat sa Terminal 3 tarmac.

Nitong June 10 lamang nang magkaroon din ng flight delays sa NAIA kasunod ng mahigit dalawang oras na suspension para sa mga ramp personnel at aircraft dahil sa lightning alert.

Ayon sa Manila International Airport Authority, nagkaroon ng imminent danger nang magkaroon ng kidlat malapit sa paliparan kaya ipinatupad ang ilang oras na suspension sa ground movement.