
Inihain ngayon ng grupo ng mga abogado sa Supreme Court (SC) ang kauna-unahang petisyong kumukuwestiyon sa ligalidad ng Anti Terror Act of 2020 na pinirmahan lamang ng Pangulong Rodrigo Duterte kahapon.
Ang Petition for Certiorari and Prohibition with Urgent Prayer for the Issuance of a TRO (Temporary Restraining Order) at Writ of Preliminary Injunction and/or Other Injunctive Remedies ay inihain ng grupo ng mga abogado na pinangunahan ni Ateneo at La Salle law professor/lecturer Atty. Howard Calleja.
Kasama rin sa mga petitioner sina Atty. Joseph Peter Calleja, UP Law professor Christopher John Lao, doctor Reynaldo J. Echavez, Napoleon Siongco, Raeyan Reposar, civic groups Frontliners: Tunay na Bayani at Bagong Siklab Pilipinas, maging si Br. Armin A. Luistro.
Ang petisyon ay naihain sa pamamagitan ng electronic filing at sa Lunes ay plano ng mga petitioners na magtungo mismo sa SC para ihain ito ng personal.
Nais ng mga petitioners na ipawalang bisa ang ilang probisyon ng naturang batas at nais nilang huwag muna itong ipatupad.
Naniniwala rin ang mga petitioners na ang Anti-Terrorism Act ay naglalaman ng mga probisyon na hindi katanggap-tanggap at mapangabib sa constitutional rights ng bawat mamamayan at nalalabag din ang 1987 constitution.
Una nang sinabi ni SC Chief Justice Diosdado Peralta na nakahanda nilang aksiyunan ang ano mang petisyon na ihahain laban sa naturang batas.
















