NAGA CITY- Naitala ang unang kaso ng COVID-19 sa bayan ng Sipocot, Camarines Sur.
Ito ay matapos magpositibo sa naturang sakit ang dalawang pasyente na kinilalang sina Bicol#182 at Bicol#187.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Mayor Tom Bocago, alkalde ng naturang bayan, napag-alaman na galing sa Quezon si Bicol#182 habang may travel history naman mula sa Rizal si Bicol#187.
Samantala, nilinaw naman ng alkalde na hindi nakauwi sa Sipocot si Bicol#182 dahil idineretso ito sa quarantine area.
Ngunit si Bicol#187 umano ay umuwi muna sa kanilang bahay bago ito pumunta sa mismong kapitan para mag-report kung saan agad naman itong dinala sa RHU para magpatest at dito na nga ito nagpositibo.
Kaugnay nito, agad namang nagpapulong ang alkalde ng Sipocot matapos maitala ang unang dalawang kaso ng sakit.
Sa ngayon, kasalukuyan ng naka-quarantine ang naturang mga pasyente habang isinasagawa na rin ang contact tracing.