Inaresto ng mga awtoridad sa Estados Unidos ang isang 28-anyos na Filipino green card holder na si Mark Lorenzo Villanueva sa Long Beach, California noong Agosto 1, dahil sa umano’y pagpapadala ng pondo sa mga hinihinalang kasapi ng teroristang grupong ISIS.
Ayon sa U.S. Department of Justice (DOJ), kinasuhan si Villanueva ng “attempting to provide material support to a foreign terrorist organization,” na may maximum na parusang 20 taon sa bilangguan.
Lumabas kasi sa mga rekord ng money transfer service na nagpadala si Villanueva ng 12 bayad na umaabot sa kabuuang $1,615 sa loob ng limang buwan sa dalawang representative na kumuha ng pera sa ibang bansa.
Nakipagkomunikasyon din daw si Villanueva sa social media sa dalawang indibidwal na nagsabing sila ay miyembro ng ISIS.
Ipinahayag umano niya ang kagustuhang tumulong sa grupo at maging bahagi ng kanilang laban. Sa isa sa kanilang pag-uusap, sinabi pa raw ni Villanueva na: “It’s an honor to fight and die for our faith. It’s the best way to go to heaven,” at “Someday soon, I’ll be joining.”
Natagpuan din ng FBI sa silid ni Villanueva ang isang bagay na kahawig ng bomba.
Ayon naman kay Patrick Grandy ng FBI sa Los Angeles, malinaw umanong sinuportahan ni Villanueva ang isang grupong terorista na itinuturing na banta sa Estados Unidos at sa mga interes nito sa buong mundo.
Samantala, sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Pilipinas na handa silang magbigay ng angkop na tulong at legal assistance kay Villanueva. Ayon kay DFA spokesperson Angelica Escalona, patuloy na binabantayan ng konsulado sa Los Angeles ang nautrang kaso.
Matatandaan na ang ISIS ay kilalang terorista na responsable sa mga mararahas na pag-atake sa iba’t ibang bansa tulad ng Afghanistan, France, at United Kingdom. Naitatag ito noong 2014 bilang isang dating pangunahing grupo ng Al-Qaeda.