ILOILO CITY – Patay ang isang Overseas Filipino Worker (OFW) matapos tumalon mula sa ikawalong palapag ng building sa Farwaniya, Kuwait.
Ang biktima ay si Elmer Chen Biag, 31-anyos, at 10 taon nang nagtatrabaho bilang food company crew sa nasabing bansa.
Ayon kay Bombo International Correspondent Oliver Diong direkta sa Kuwait, na-depress si Biag matapos nakaramdam ng mga sintomas ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Napag-alamang noong isang araw, tumulong pa si Biag sa pagbuhat upang dalhin sa ospital ang kasamang OFW na positibo sa COVID-19.
Ayon kay Diong, bali-balita rin na dalawa hanggang tatlong buwan nang hindi nakatanggap ng sahod si Biag sa pinagtatrabahuang kompanya.
Labis naman na ikinalungkot ng Coalition of Filipino Community Organization in Kuwait ang pagkamatay ni Biag lalo pa at isa itong aktibong lider ng Filipino community sa lugar.