-- Advertisements --
Labis ang pasasalamat ng Filipino-American singer na si Olivia Rodrigo matapos na imbitahan ito sa White House.
Personal itong makikipagkita kay US President Joe Biden at chief COVID-19 medical adviser Dr. Anthony Fauci para mag-record ng videos na manghihikayat sa mga kabataan na magpabakuna laban sa COVID-19.
Sinabi nito na isang karangalan na mapili siya para ipakalat ang magandang mensahe tungkol sa kahalagahan ng pagbabakuna sa mga kabataan.
Masaya raw itong tumulong sa US government para makahikayat pa ng mas maraming kabataan na magpabakuna.
Mayroong mahigit 28 milyon na followers sa social media ang 18-anyos na si Rodrigo na nagpasikat ng kantang “Drivers License” at “Good 4 u”.