Yanson Ceres Vallacar PNP
Yanson Group of Bus Companies (file photo)

BACOLOD CITY – May bago ng set of officers ang Yanson Group of Bus Companies kasunod ng isinagawang special stockholders meeting sa lungsod ng Bacolod.

Dito muling napili na presidente si Leo Rey Yanson (LRY) na pinatalsik ng kanyang mga kapatid nakaraang buwan, habang vice president naman si Charles Anthony Dumancas.

Si Charles Anthony ay asawa ni Jeanette Yanson-Dumancas na napili namang auditor samantalang corporate secretary naman ang matriarch na si Olivia.

Sa pahayag ng isa sa mga legal counsel ni Leo Rey na si Atty. Jun Maxell Orlina, isinagawa ang special stockholders meeting kahapon kasunod ng umano’y mga irigularidad na naganap sa kompaniya.

Ngunit nilinaw nito na pinaalam naman sa kabilang kampo na kinabibilangan nina Roy, Ma. Celina, Emily at Ricardo Jr. ang tungkol sa special stockholders meeting ngunit hindi sila dumalo.

Kasunod nito, may pinagtibay ding resolusyon na nag-uutos sa legal team ng kompaniya na magrekomenda ng mga legal na hakbang laban kay Ma. Celina upang i-liquidate ang P380 million na outstanding obligations umano ng Yanson Group of Bus Companies.