Nilinaw ngayon ng Malakanyang na kailangan pa ring magsuot ang mga Pinoy ng facemasks hangga’t hindi napipirmahan ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr ang isang executive order o EO para gawing optional ang pagsusuot ng face masks sa publiko.
Kailangan din umanong bumalangkas pa ng panibagong guidelines ng pandemic task force ng Pilipinas.
Una rito ay ipinaalala ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles ang publiko na rekomendasyon lamang naman daw ang ginawa rito ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).
Sa panig naman ni Department of Health (DOH) officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, sinabi nitong bagamat mayroong panukalang optional na pagsusuot ng face masks sa labas ng bahay ay hindi pa rin daw ito isang polisiya.
Tiwala naman si Vergeire na maglalabas ng executive order ang Pangulong Marcos kaugnay ng rekomendasyon ng inter agency task force.
Base raw kasi sa mga feedback, talagang pabor naman dito ang Pangulong Marcos.
Una nang ipinanukala ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr. ang panukalang gawing optional ang pagsusuot ng face masks kasunod ng nais na polisiya ng Cebu City government na boluntaryo na ang pagsusuot ng facemasks.
Samantala, hinikayat naman ni Cruz-Angeles ang lahat ng government agencies na suportahan ang National Booster Week mula Setyembre 26 hanggang 29.