Na-indict ang nakakulong na dating Pangulo ng South Korea na si Yoon Suk-yeol sa panibagong kaso may kaugnayan sa kaniyang nabigong deklarasyon ng martial law noong Disyembre ng nakalipas na taon.
Ito ay sa gitna ng nagpapatuloy na paggulong ng imbestigasyon sa kaniyang ipinatupad na martial law.
Kabilang sa panibagong kaso ni Yoon ay ang obstruction o pagpigil ng pagpapairal ng karapatan ng iba sa pamamagitan ng pag-abuso sa awtoridad, pag-utos na burahin ang mga rekord at pagharang sa pagsisilbi ng arrest warrants.
Si Yoon ay humaharap sa mga paglilitis sa mga kaso ng insurrection, na may parusang kamatayan o habambuhay na pagkakakulong at humaharap sa karagdagan pang mga kaso simula ng italaga ang special prosecutor noong Hunyo para humalili sa paghawak sa kaso laban sa kaniya.
Sa panig naman ni Yoon, mariin niyang itinanggi lahat ng mga inaakusa laban sa kaniya. Wala pa namang pahayag sa ngayon ang defense team ni Yoon kaugnay sa panibagong mga kaso.
Matatandaan, nakadetine ang na-impeach na dating SoKor president sa Seoul Detention Center mula noong unang bahagi ng Hulyo at nauna na ring tinanggihan ng korte ang hiling ng kaniyang kampo na palayain siya.