Nahalal bilang bagong House Secretary General si dating Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cheloy Garafil habang si retired Philippine Army Brig. Gen. Ferdinand Melchor Dela Cruz ang bagong House Sergeant-at-Arms (SAA).
Sa isang pahayag, sinabi ni Garafil na makikipagtulungan siya nang malapit sa mga opisyal at kawani ng Kamara upang matiyak na ang mga prosesong pambatas ay magiging episyente, bukas, at tumutugon sa pangangailangan ng taumbayan. Ito ay bilang suporta sa layunin ng liderato ng Kamara na magpasa ng mga batas na may konkretong pakinabang para sa mga Pilipino.
Hinimok rin niya ang mga kasamahan sa House Secretariat na panatilihin ang dangal at integridad ng institusyon at magpatuloy na may pagtitiyaga at pag-asa sa pagtulong sa pag-abot ng mga layunin ng pambansang kaunlaran.
Bago mahalal bilang Secretary General, nagsilbi si Garafil bilang Chairperson ng Board ng Manila Economic and Cultural Office (MECO) at dating Kalihim ng Presidential Communications Office (PCO).
Sa plenaryo ngayong hapon, pormal ng nanumpa sina Garafil at Dela Cruz.
Si Garafil ang pumalit sa pwesto ni Secretary General Reginald Velasco habang si Dela Cruz ang pumalit sa pwesto ni Napoleon Taas.
Mismong si House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang nanguna sa panunumpa kina Garafil at Dela Cruz.
Si Velasco ay nagsilbing house secretary general nuong 19th Congress sa ilalim ng liderato ni dating Speaker Martin Romualdez.