-- Advertisements --

Mariing itinanggi ng dating gobernador ng Ilocos Sur na si Chavit Singson na siya’y nanawagan kumalas ng suporta ang sandatahang lakas kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.

Ito ang binigyang linaw ni Singson kasabay ng kaliwa’t kanang pagtalakay at mga panawagan labanan ang isyu ng korapsyon sa bansa.

Ayon kay former Governor Chavit Singson, nais lamang niya ang isang payapang pagkilos o pagsasagawa ng ‘peaceful movement’ kaugnay sa kontrobersyal na flood control projects.

Kanyang iginiit na hindi niya sinasabing mag-withdraw ng suporta ang sandatahang lakas ngunit ipinauubaya ang diskresyon sa kanila.

Dagdag pa niya’y desisyon nila ito kung ikukunsidera o sila’y mayroong konsensya at maaawa sa taumbayan kaugnay sa kasalukuyang estado ng bansa.

Dahil rito’y maisa pang ulit niyang sinabi na ang panawagan niya’y ‘peaceful movement’ katuwang ang mga sundalo at sandatahan para magbigay proteksyon.

Ngunit binigyang linaw ng dating gobernador na wala siyang kinausap sa parte ng sandatahan para ito’y magbitaw ng suporta sa Pangulo.

Samantala, ibinahagi naman ni former Ilocos Sur Governor Chavit Singson na bago pa man ang ikinasang malakihang ‘rally for transparency’ ng Iglesia ni Cristo ay kanya ng nakausap si Senadora Imee Marcos.

Nang kanyang makapanayam ito, sinabihan niya raw ang mambabatas na himukin si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na magbitiw mula sa pwesto.

Naniniwala siyang ito ang pinakamainam gawin sapagkat posibleng maulit aniya ang nangyari kay Marcos Sr. sa anak nitong Bongbong Marcos Jr. na kasalukuyang lider ng bansa.