Naniniwala si Las Piñas City Representative Mark Anthony Santos na ang pagkakasabatas ng anti-political dynasty bill ay isang paraan upang maibalik ang tiwala ng publiko sa Kongreso.
Ginawa ni Santos ang pahayag kasabay ng lalo pang lumalawak na panawagang ipagbawal na ang political dynasty sa bansa.
Tiwala ang mambabatas na mas maraming kongresista rin ang magtutulak nito, ngayon at nasimulan na ng House leadership na magpakita ng interes sa naturang panukala.
Tinukoy ni Santos ang dating inihain nina House Speaker Faustino Dy III at House Majority Leader Sandro Marcos na sariling bersiyon ng anti-political dynasty bill, bilang patunay ng suporta ng Kamara sa naturang panukala.
Dati na ring inihain ni Rep. Santos ang isang katulad na panukala noong Hulyo, kasunod ng pagbubukas ng 20th Congress.
Naniniwala ang mambabatas na maging si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay susuporta rin sa tuluyang pagkakasabatas ng naturang panukala sa lalong madaling panahon.
















