Reading Time: 2 minutes

Mariing kinondena ng Malacañang ang pananambang kay dating Pangasinan governor at Cong. Amado Espino, Jr., sa Barangay Magtaking, San Carlos City kahapon.

Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, nakarating na sa Office of the President (OP) ang insidente lalo ang pagkamatay ng isa sa mga bodyguards ng dating gobernador.

Wala aniyang puwang sa sibilisadong lugar ang ganitong uri ng pagpatay.

“We condemn this felonious act as we believe that any unjustified killing has no place in a civilized society like ours. We guarantee that police authorities are already on top of the situation and will spare no effort in finding the perpatrators of this crime and ascertaining their motive for consummating the same,” ani Sec. Panelo.

Masuwerteng nakaligtas si Espino ngunit patay ang isang police escort nito.

Samantala, inihayag ni PNP spokesperson B/Gen. Bernard Banac na ipinag-utos na ni PNP Chief Oscar Albayalde sa regional police director ng Police Regional Office (PRO)-1 na agad imbestigahan ang kaso para agarang malutas at mabigyan ng hustisya ang mga biktima.

Nais din nito na maaresto at makasuhan sa lalong madaling panahon ang mga suspek na nasa likod ng pananambang.

Sa ngayon ay natagpuan na ng Pangasinan Police ang dalawang sasakyan na ginamit ng mga suspek.

Ayon kay Col. Redrico Maranan, provincial director ng Pangasinan, unang narekober ang kulay pulang sasakyan sa Barangay Cobol, San Carlos City, kung saan dito nakuha ang tatlong M16 at mga magazine.

Habang ang grey Ford Everest ay narekober sa may Barangay Pasima, Malasiqui, at nakuha sa loob ang dalawang M14, dalawang M16 at isang granada.

Si Espino ay miyembro ng Philippine Military Academy Class 1972.

Nagretiro siya sa serbisyo sa ranggong Police Colonel bilang regional director ng PRO 1 bago naging congressman at gobernardor ngPangasinan.

Sa kabilang dako, kinondena rin ng liderato ng Kamara sa sinapit ni Espino Jr.

Iginiit nina House Majority Leader Martin Romualdez at Deputy Speaker Raneo Abu na mahigpit na kinokondena ng liderato ni Speaker Alan Peter Cayetano ang pananambang sa dating kongresista.

Umaapela si Romualdez sa mga otoridad na panagutin ang mga nasa likod ng krimen.

Para naman kay Abu, walang puwang sa demokratikong lipunan katulad ng Pilipinas ang ganitong uri ng karahasan.

Kaya ayon sa mga kongresista, dapat agad na mapanagot ang mga suspek pati na rin ang mga nasa likod ng pananambang na ito. (with report from Bombo Analy Soberano and Bombo Dave Pasit)