Idineklara ng pamahalaan ng Indonesia bilang pambansang bayani ang yumaong dating presidente nito na si Suharto, sa kabila ng mga kontrobersiya at protesta kaugnay ng kanyang mapanupil na pamumuno.
Pinangunahan ni Indonesian President Prabowo Subianto nitong Lunes, Nobyembre 10, dating manugang ni Suharto, kabilang ang dating diktador sa 10 bagong ginawaran ng National Hero Award.
Ayon sa gobyerno, kinilala si Suharto dahil sa kanyang ambag sa pagtatanggol ng kalayaan noong 1945. Ngunit marami ang kumondena sa hakbang, kabilang ang mga civil society groups at Amnesty Indonesia, na nagsabing nais lang pabanguhin ang imahe ng dating presidente.
Tinatayang mahigit kalahating milyong tao ang napatay noon sa mga pamamaslang na naganap nang agawin ni Suharto ang kapangyarihan noong 1965. Sa kanyang halos tatlong dekadang pamumuno (1967–1998), nakaranas ang bansa ng mabilis na paglago ng ekonomiya ngunit kapalit nito ang torture, pagkawala, at pagsupil sa kalayaan.
Gayunman, tinagurian siyang “Bapak Pembangunan” o Ama ng Kaunlaran dahil sa 7% taunang paglago ng ekonomiya sa kanyang panahon.
Kasabay ni Suharto, ginawaran din ng parehong karangalan ang mga dati nitong pangulo tulad ni Abdurrahman Wahid (Gus Dur) at labor activist Marsinah, na kapwa kilalang kritiko ng kanyang rehimen —hakbang na itinuturing ng ilan bilang pagtakip para hindi makita ang baho ng administrasyon.
Samantala, nagpapatuloy ang mga kilos-protesta sa Jakarta, habang binabalaan ng mga pamahalaan na ang pagkilala kay Suharto ay maaaring magbunsod ng historical revisionism sa ilalim ng kasalukuyang pamahalaan ni Prabowo.












