-- Advertisements --

Kinumpirma ng legal counsel ni dating Negros Oriental Representative Arnolfo ‘Arnie’ Teves Jr. ang hindi nito pagdalo ng pisikal sa gaganaping panibagong arraignment sa kanyang kasong kinakaharap.

Nakatakda sanang dumalo ang dating kongresista sa pagbasa ng sakdal na nakaskedyul ngayong araw sa Manila Regional Trial Court Branch 51 sa ganap na 1:30 ng hapon.

Dito inaasahang haharapin ni former Congressman Arnie Teves Jr. ang kinasasangkutan nitong kaso hinggil sa naganap na madugong pagpatay kay dating Negros Oriental governor Roel Degamo noong 2023.

Siya kasi ang itinuturo na umano’y ‘mastermind’ o may pakana sa likod ng naganap na pagpaslang sa namayapang si Degamo, dalawang taon ang nakalilipas.

Ngunit gayunpaman, tiniyak pa rin ng kanyang abogado na si Atty. Ferdinand Topacio ang kanyang pagdalo sa gaganaping arraignment sa Maynila ngayong araw.

Aniya’y bagama’t hindi pisikal, haharap ang dating kongresista sa pagbasa ng sakdal sa pamamagitan ng ‘video conference’ habang siya’y nasa loob ng kulungan.

Kaya’t ang kanyang kampo ay maisa pang inihayag ang pakikipagtulungan o koordinasyon sa korte kung anuman ang desisyon at ipag-uutos nito sa kanilang panig.

Kaugnay sa mga nabanggit ng naturang abogado, kasalukuyan namang nasa kustodiya pa rin ng National Bureau of Investigation si former Congressman Arnie Teves Jr.

Kung saan nanatili pa rin ito sa loob ng building 14 sa detention facility ng naturang kawanihan sa lungsod ng Muntinlupa.

Ito’y sa kabila ng inilabas na commitment order kamakailan ng Manila Regional Trial Court Branch 12 na mailipat ang dating kogresista sa Manila City Jail.

Kaya’t ang kampo nito’y nagsumite ng isang motion for reconsideration sa korte para hilingin na huwag na itong ilipat dahil sa iginigiit nilang security concern umano.