-- Advertisements --

Personal na hinarap ni dating Negros Oriental Congressman Arnolfo ‘Arnie’ Teves Jr. ang nakatakdang arraignment ng kanyang mga kaso na isinampa laban sa kanya.

Kung saan sumailalim ito sa pagbasa ng sakdal matapos siyang dalhin sa Manila Regional Trial Court Branch 12 kaninang bandang alas-syete ng umaga.

Nakaskedyul ang kanyang arraignment sa ganap na alas-otso i-medya ng umaga kaya’t ito ay nasimulan na agad sa nakatakdang oras.

Isa ang Bombo Radyo Philippines sa mga ekslusibong nakapasok sa loob ng naturang korte dahil sa limitado lamang ang maaring makapasok kaya’t personal itong nasaksihan.

Unang hinarap ng dating kongresista sa isinagawang arraignment ang kaso nito hinggil sa ‘illegal possesion of explosives’ na inihain laban sa kanya.

Nang siya’y basahan na ng sakdal, tumanggi itong magpasok ng ‘plea’ at sinabi ang mga katagang ‘I invoke my rights to remain silent’.

Kaya’t buhat nito ay mismong ang korte na ng Manila Regional Trial Court Branch 12 ang nagpasok ng ‘not guilty plea’ para sa naturang kongresista.

Tumayong hukom sa naganap na arraignment ng mga kaso ni dating Congressman Arnolfo Arnie Teves Jr. si Judge Renato Zaleta Enciso.

Tumagal ang kanyang unang arraignment sa kasong ‘illegal possesion of explosives’ ng higit dalawang oras bago ito matapos.

Kung saan sinundan ito ng ikalawa pang kaso na may kinalaman naman sa ‘illegal possesion of firearms’.

Dito inisa-isa sa pagbasa ng sakdal ang mga nakumpiska umanong mga armas na natagpuan sa kanya habang walang legal o lisyensyang nagpapahintulot para sa kanya.


Sa kapareho niyang naging sagot, muli niyang iginiit ang karapatan niya sa pagsambit ng katagang ‘I invoke my rights to remain silent’

Dahil dito, mismong korte na muli ang nagpasok ng ‘not guilty plea’ para sa naturang dating kongresista.

Matapos ang isinagawang arraignment siya’y agad na inescortan ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) pasakay sa isang van.

Kaugnay naman nito, nilinaw naman ni National Bureau of Investigation Chief Jaime B. Santiago na kanila munang hihintayin ang pinal na desisyon kung saan nga ba dapaT mai-turn over ang kustodiya kay Arnie Teves Jr.

Aasahan umano ito ngayong linggo o sa mga susunod pang mga araw bago tiyak na malaman o matukoy ang pinal na gagawing hakbang ng kawanihan.