Nagkaisa ang European Union (EU) kasama na ang nasa 42 bansa kabilang ang US sa pamamagitan ng isang joint statement para himukin ang Russia na agad na i-withdraw ang kanilang mga sundalo mula sa Zaporizhzhia nuclear power plant sa southern Ukraine.
Nakasaad din sa naturang statement na kailangan aniya na umatras ang Russian forces upang ang operator at Ukrainian authorities sa lugar ay makapagpatuloy sa kanilang sovereign responsibilities gayundin ang tungkulin ng lehitimong operating staff nang walang pakikialam, banta o karahasan sa working conditions.
Ang naturang joint statement ay bilang pagpapakita ng suporta sa International Atomic Energy Agency (IAEA) kung saan kanilang iginiit na ang deployment ng Russian military personnel at mga armas pandigma sa nuclear facility ay hindi katanggap-tanggap at banta sa seguridad at safeguard principles na ipinangakong igagalang ng lahat ng miyembro ng ahensiya.
Una nang nagbabala ang International Atomic Energy Agency (IAEA) noong nakalipas na linggo na ang ilang bahagi ng planta ay napinsala dahil sa pag-atake na naglalagay sa panganib ng unacceptable potential radiation leak.