DAVAO CITY – Patay ang isang senior high school student sa isang pribadong paaralan sa lungsod ng Davao matapos makuryente pasado ala-1:00 ng madaling araw sa bahagi ng Panacan, lungsod ng Davao.

Nakilala ang biktima na si Florence Allen Barrios Siarot, Grade 12 student sa Rizal Memorial Colleges (RMC) at nakatira sa Avocado St., Don Mercedes, Purok 2, Panacan.

Base sa pahayag ng pulisya sa Sasa Police station, pauwi na sana ang biktima nang sumabit ang paa nito sa poste ng traffic light.

Pinaniniwalaang grounded ang linya ng kuryente ng naturang poste nang mangyari ang aksidente at basa rin ang kalsada na dulot ng pag-ulan dahilan kaya nakuryente ang estudyante.