BACOLOD CITY – Humingi nang paumanhin ang kontrobersiyal na si Lt. Colonel Jovie Espenido sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa pagbiigay nito ng panayam nitong araw matapos na kinumpirma ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na kasama ito sa narcolist.
Ito ay sa kabila ng payo sa kanya ni Interior Secretary Eduardo Año na hintayin na matapos ang adjudication sa halip na magpa-interview sa media.
Sa pagharap niya sa media sa Bacolod City Police Office (BCPO), humihingi ito nang paumanhin sa PNP dahil sa kanyang pagsasalita dahil pangalan na niya ang nakataya.
Aniya, maganda ang pamunuan ng PNP ngunit pinayuhan nito ang departamento na humawak sa listahan na tanggapin na mali ang kanilang natanggap na intelligence.
Nagpapasalamat si Espenido kay PNP chief Gen. Archie Gamboa sa hindi pagbibigay komento sa narcolist ngunit dahil pinangalanan siya ni Año, ito ang nagbunsod sa kanya upang lumabas na at idepensa ang sarili.
Ipinapangako naman nito na patuloy ang suporta niya sa kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa iligal na droga.
Giit pa nito na hindi siya nagpabaya sa kanyang trabaho simula ng Police Officer 1 pa lamang daw siya hanggang sa na-promote.