Hinimok ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang Malacañang na bumuo ng tinatawag na “negative list” o talaan ng mga proyektong pang-imprastruktura na hindi dapat pondohan sa ilalim ng pambansang badyet para sa 2026.
Ito aniya ay dapat agad na i-veto ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil nagiging dahilan lamang ito ng pag-aaksaya ng pondo na mas kailangan sa mahahalagang programa.
Ayon sa senador, mas mainam na maging maagap at tukuyin na agad kung anu-anong proyekto ang hindi dapat isama sa budget kaysa hintayin pang makalusot ang mga kuwestiyonableng proyekto.
Aniya, babaha ng mga walang silbing proyekto kung hindi lilinawin kung alin ang dapat ipagbawal, at nararapat na walang ilaan na pondo para sa mga proyektong hindi naman nagbibigay ng benepisyo.
Kabilang sa mga iminungkahi niyang isama sa negative list ang mga mababang halaga ngunit labis na overpriced na kagamitan sa kalsada gaya ng reflective studs o “cat’s eyes,” slope protection nets at mga pintura.
Gayundin, dapat ding alisin ang mga tinawag niyang “vanity projects” gaya ng waiting sheds, swimming pools, signages at iba pang hindi pangunahing pangangailangan na madalas maging dahilan ng pang-aabuso at pag-aaksaya sa pondo.
Tinitingnan din ng Senate President ang posibilidad ng pagpapataw ng moratorium sa mga bagong flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa 2026, lalo’t nananatiling hindi pa naipatutupad ang bilyon-bilyong pisong alokasyon sa ilalim ng badyet para sa 2025.
Binigyang-diin niya na dapat munang tapusin ang mga nakabinbing proyekto at ayusin ang sistema bago ipagpatuloy ang mga ito, upang mabigyan ng pagkakataon si DPWH Secretary Dizon na ayusin muna ang pamamalakad.
Iminungkahi rin ni Escudero na ilaan ang pondo sa mas makabuluhang proyekto gaya ng waste-to-energy plants, refuse-derived fuel facilities at iba pang hakbang laban sa basura, baradong daluyan ng tubig at bumababang kapasidad ng mga ilog at daluyan na pangunahing dahilan ng pagbaha sa Metro Manila at iba pang lungsod.