Magpupulong ngayong araw ang apat na komite sa Kamara na bumubuo sa Fuel Crisis Ad Hoc Committee para talakayin ang mga posibleng hakbang ng gobyerno para matulungan ang publiko sa harap nang ilang serye nang pagsirit ng presyo ng mga produktong petrolyo sa harap ng pandemya at ng sigalot sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Sa panayam ng Bombo Radyo kahapon kay House Committee on Economic Affairs chairman at AAMBIS OWA party-list Rep. Sharon Garin, sinabi niyang mismong si Speaker Lord Allan Velasco ang nagpatawag ng pagpupulong na ito kasama ang Commitees on Energy, Transportation, at Ways and Means.
Tatalakayin nila rito ang economic impact ng makailang beses nang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, ang epekto nito sa transport sector, ang kasalukuyang supply at demand sa langis, at mga posibleng solusyon na maaring ipatupad ng pamahalaan.
Kabilang na aniya rito ang panukalang batas na pansamantalang magsususpinde sa ipinapataw na excise tax sa mga produktong petrolyo, na tapos nang isalang sa debate at malapit nang maaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa.
Para kay Garin, isa ito sa mga maaring gawin ng pamahalaan sa lalong madaling panahon para maibsan ang pasanin ng publiko sa napakamahal na presyo ng mga produktong petrolyo.
Pero sa ngayon ay nasa break pa ang Kongreso at kailangan na magpatawag si Pangulong Rodrigo Duterte ng special session para matalakay at maaprubahan ang panukalang ito, mayroon naman aniyang ibang pang solusyon na maaring sundin ang pamahalaan
Nauna nang sinabi ng Department of Transportation na mayroon silang inilalaan na P2.5 billion para sa fuel subsidy, at P500 million ayuda naman mula sa Department of Agriculture para sa mga magsasaka.
Iginiit ni Garin na kung pera ang problema para sa mga programang makakatulong naman sa publiko ay kaya ng gobyerno na gawan ng paraan ito.
Samantala, sakali mang matuloy ang pansamantalang pagsuspinde sa excise tax ng mga produktong petrolyo, sinabi ni Garin na aabot sa P38.83 billion ang posibleng mawala sa kita ng pamahalaan.
Pero kasabay nito kailangan din aniyang maresolba ang matagal nang problema sa oil smuggling hindi lamang sa mga ports ng bansa kundi sa offshore din.
Iginiit din ni Garin na dapat magkaroon ng multi-agency na kabibilangan ng Department of Energy, Department of Trade and Industry, mga local government units at Philippine National Police, na magbabantay sa presyo naman ng mga bilihin at serbisyo para matiyak na hindi naman nasasamantala ang krisis ngayon sa langin at para hindi rin sumirit ang inflation rate ng bansa.