-- Advertisements --

Ilang oras bago inaasahang lumabas sa Philippine area of responsibility (PAR), bahagyang lumakas at bumilis ang Bagyong Enteng.

Sa latest bulletin ng PAGASA (Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration), ngayong Linggo ng hapon pa rin lalabas ng PAR ang nasabing bagyo.

Tinatahak nito ang timog na bahagi ng Ryuku Islands ng Japan sa bugsong aabot sa 90 kilometers per hour (kph) at may lakas ng hanging aabot sa 75 kph malapit sa gitna.

Huli itong namataan sa layong 540 kilometers sa hilagangsilangan ng Basco, Batanes.

Kahit palabas na ng bansa, aasahan pa rin umano ang makulimlim na panahon na dulot ng southwest monsoon sa susunod na 24 oras.

Partikular na uulanin pa rin ang Pangasinan, Benguet, Nueva Vizcaya, Quirino, Central Luzon, Metro Manila, CALABARZON (Cavite-Laguna-Batangas-Rizal-Quezon), MIMAROPA (Mindoro-Marinduque-Romblon-Palawan), Bicol Region, at Western Visayas.

Kasabay nito ay nagbabala ang PAGASA sa mga residente hinggil sa posibilidad ng mga pagbaha at pagguho ng lupa kung hindi titigil ang malakas na pag-ulan.

Samantala, ang isa pang binabantayang low pressure area (LPA) ay mababa pa rin sa ngayon ang tiyansa na maging ganap na tropical depression.

Huli itong namataan sa layong 210 kilometers sa kanluran ng Iba, Zambales.