Iminungkahi ni Senate Committee on Local Government Chairman Senador JV Ejercito na dapat may trial period muna ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa No Contact Apprehension Program (NCAP) bago ito tuluyang ipatupad para masanay ang publiko.
Ang suhestiyon ni Ejercito ay matapos na pansamantalang isuspinde ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang rehabilitasyon ng EDSA at odd-even traffic coding scheme.
Ayon sa senador, sa gitna ng pagsususpinde ng mga proyekto ay tila tuloy pa rin ang NCAP.
Paglilinaw ni Ejercito, hindi siya kontra sa NCAP, ngunit dapat na handa rin ang mga ahensya at personnel sa pagpapatupad nito dahil naniniwala ang senador na makatutulong ito sa pagsasaayos ng trapiko sa katagalan at sa pagpapalakas ng disiplina ng mga motorista.
Dagdag nito, kailangan aniyang matiyak na may tamang imprastraktura at maayos na traffic signs at road markings.
Inirerekomenda din ng senador na palakasin ang motorists education drive at tiyaking tugma ang local ordinances at guidelines kaugnay ng penalties at multa.
Hindi patas aniya na hulihin at pagmultahin ang mga motorista kung hindi malinaw ang ipinatutupad na mga patakaran ng mga tanggapan.