-- Advertisements --

Ikinatuwa ng mga lokal na tagahanga ang pagkapanalo ni EJ Obiena sa Atletang Ayala World Pole Vault Challenge na ginanap sa Ayala Triangle Gardens, Makati City nitong Linggo, Setyembre 21.

Sa kabila ng masamang panahon nalampasan ni Obiena ang taas na 5.80 meter, katumbas ng kanyang pinakamahusay na record ngayong season, at tinalo si Thibaut Collet ng France sa pamamagitan ng countback. Pareho nilang naitala ang 5.80m, ngunit si Obiena ang nakakuha ng panalo.

Ito ang kauna-unahang international title ni Obiena sa sariling bansa.

Sinubukan din ni Obiena na lagpasan ang 5.85m (dalawang beses) at 5.90m (isang beses) ngunit hindi ito nagtagumpay. Si Collet, na nagtapos ng ika-lima sa World Athletics Championships kamakailan, ay hindi rin na-clear ang 5.90m sa tatlong subok.